Ang wika ay buhay, dinamiko at patuloy na nagbabago kaalinsabay ng panahon. Ang wikang Filipino ay nagsimula bilang "baybayin" at ng dumating ang mga Kastila, pinakilala nila ang alfabetong Romano, ang abecedario. Dumami ang salitang ating ginagamit. Dumagdag sa ating vokabularyo ang mga salitang Kastila. Nang lumaon, ng ating makamit ang kalayaan mula sa mga Kastila, "Tagalog" ang siyang ating naging pambansang wika. Alinsunod sa Saligang Batas ng 1935, "Pilipino" ang naging ating pambansang wika. Ito ay ibinatay sa Tagalog na siyang ginagamit ng nakararami. Ayon naman sa itinatadhana ng Saligang Batas ng 1987, "Filipino" ang ating pambansang wika.
Sa kasalukuyan, wikang Filipino pa rin ang ating pambansang wika. Ito ay dumaan na sa napakaraming revisyon. Nariyan ang 2001 Revisyon ng Alfabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino, Gabay sa Editing sa Wikang Filipino (2004 at nirevisa 2008) ng Sentro ng Wikang Filipino-Diliman, Unibersidad ng Pilipinas gayundin ang revisyon ng mga patnubay pangmanunulat ng gaya ng Filipino ng mga Filipino (ikalawa at binagong edisyon, 2009) ng Anvil Publishing at ang pagsasagawa ng KWF ng bagong gabay noong 2009 na may ikaapat na edisyon nitong 2012. Ang pinakahuli ay ang 2013 forum na siyang nagsagawa ng paglingon sa kasaysayan ng wikang Filipino bago tinalakay ang mga isyung kontrobersiyal.
Ang proyektong ito ay naglalayong maipabatid ang kahalagan ng wikang Filipino sa pamamagitan ng mura, mabilis at epektibong paraan, ang social media at world wide web, magkaroon ng interaktibong diskusyon ukol sa pagbabagong naganap sa pag-iispeling at makatulong sa kinauukulan ukol sa istandardisasyon ng wikang Filipino.
Sa pagtatapos ng proyektong ito, inaasahang kami ay nakagawa ng isang hakbang upang ang mga Pilipino ay magkaroon ng tamang kaalaman tungkol sa pagbubuo ng ispeling ng salitang kanyang ginagamit sa kanyang pang-araw-araw na pamumuhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento