Hanapan ang Blog na Ito

Sabado, Oktubre 3, 2015

Kailan Hindi Pa Maaari ang Reispeling

Ngunit tinitimpi ang pasasa-Filipino ng ispeling ng mga bagong hiram na salita kapag:

1.    Nagiging kakatwa o katawa-tawa ang anyo sa Fiipino;
2.    Nagiging higit pang mahirap basahin ang bagong anyo kaysa orihinal;
3.    Nasisira ang kabuluhang pangkultura, panrelihiyon o pampolitika ang pinagmulan;
4.    Higit nang popular ang anyo ng orihinal; at
5.    Lumilikha ng kaguluhan ang bagong anyo dahil sa may kahawig na salita sa Filipino


Halimbawa, baka walang bumili sa “Kok” (coke) at mapagkamalan itong pinaikling tilaok ng manok. Matagal mag-iisip ang makabasa ng “karbon day-oksayd” bago niya ito maikonekta sa sangkap ng hangin. Iba ang baguette ng mga Pranses sa ating kolokyal na “bagets”. Nawalwala ang samyo ng bouquet sa nairespel na “bukey”. Nakasanayan nang basahin ang duty free kaya ipagtataka ang karatulang “dyuti-fri”. Bukod sa hingi agad makikilala ay nababawasan ang kabuluhang pangkultura ng feng shui kapag binaybay nag “fung soy” samantalang mapagkakamalang pang gamit sa larong pang dama ang pizza ang “pitsa”. Malinaw ding epekto ito ng lubhang pagkalantad sa paningin ng mga Pilip[ino ang mga kasangkapang biswal (iskrin, karatula, billbord) na nagtataglay ng mga salitang banyaga sa mga orihinal na anyong banyaga.
Pagbaybay na Pasulat

Sa pangkalahatan, “Kung ano ang bigkas, siyang sulat” sa pagbaybay na pasulat.

A.   Bagong Hiram na Salita


Ginagamit din ang walong dagdag na titik sa mga bagong hiram na salita mulang Espanyol, Ingles at ibang wikang banyaga. Tandaan: ang mga bagong hiram. Ang ibig sabihin, hindi kailangang ibalik sa orihinal na anyo ang mga hiram na salitang lumaganap na sa baybay ng mga ito alinsunod sa abakada. Halimbawa, hindi dapat ibalik ang F sa orihinal na forma sa Espanyol adhil ginagamit nang matagal ang porma pati ang mga deribatibo nitong pormal, impormal, pormalismo, pormalidad, depormidad atbp. Hindi din dapat ibalik sa firma ang pirma, ang bintana sa ventana, ang kalye sa calle, ang tseke sa cheque, ang pinya sa piña, ang hamon, sa jamon, at sapatos sa zapatos.


B.    Di Binabagong Hiram

Maituturing na bagong hiram ang mga salita na hindi pa idinadagdag matatagpuan sa Diccionario Tagalog-Hispano (1914) ni Pedro Serrano-Laktaw at Diksyunaryo Tesauro Pilipino-Ingles (1972) ni Jose Villa Panganiban. Halimbawa, maaring hiramin nang buo at walang pagbabago ang futbol, fertil, fosil, visa, vertebra, zigzag. Samantala, dahil sa walong dagdag na titik, maraming salita mulang Ingles ang maaaring hiramin nang hindi nangangailangan ng pagbabago sa ispeling, gaya ng fern, folder, jam, jar, level, envoy, develop, ziggurat, zip.

C.   Problema sa C, Ñ, q, x

Isang magandang simulating pangwika mula sa baybayin hanggang sa abakada ang pangyayaring iisang tunog ang kinakatawan ng bawat titik. Sa kaso ng C problema ang pangyayari na may dalawang paraan ito ng pagbigkas na maaaring K o S. Halimbawa, K ang tunog nito sa unang titik ng coche (kotse) ngunit S naman sa cuidad (siyudad). Sa kaso ng Ñ, napakalimitado kahit sa Espanyol ang mga salita na nagtataglay ng titik na ito. Ang ilang salitang pumasok na sa Filipino ay natapatan na ng NY, gaya ng donya, pinya at banyo.

Sa kaso naman ng Q at X, may palagay na hindi isahang tunog ang mga nabanggit na titik- nagiging kw o ky ang Q at ks ang X. Sa gayon, pangngalang pantangi (Quintos, Xerxes) at katawagang teknikal at pang-agham (Q clearance, X-ray). Kapag humiram ng pangngalang pambalana na nais ireispel, ang ginagamt noon pa sa paabakadang pagsulat ay ang katumbas na tunog ng Q at X. Ang Q ay nagiging K sa mulang Espanyol na keso(queso) at KW sa mulang Ingles na kwit(quit) o KY barbikyu(barbeque). Ang X naman ay tinatapatan ng KS gaya sa ekstra(extra)

D.   Eksperimento sa Ingles

Sa pangkalahatan, ng ipinahihintulot at ginaganyak ang higit pang eksperimento sa reispeling o pagsasa-Fiipino ng ispeling ng mga bagong hiram sa Ingles at ibang wikang banyaga. Dapat madagdagan ng higit ang istambay (stand by), iskul (school), iskedyul (schedule), pulis (police), rises (recess), bilding (building), groseri (grocery), anderpas (underpass), haywey (highway), korni (corny), pisbol (fishball) masinggan (machinegun), armalayt (armalite) bisnes (business) atbp. Ang ganitong reispeling ay malaking tulong sa mga mag-aaral dahil higit na madali nilang makikilala ang nakasulat na bersiyon ng salita.


Biyernes, Oktubre 2, 2015

Ang wika ay buhay, dinamiko at patuloy na nagbabago kaalinsabay ng panahon. Ang wikang Filipino ay nagsimula bilang "baybayin" at ng dumating ang mga Kastila, pinakilala nila ang alfabetong Romano, ang abecedario. Dumami ang salitang ating ginagamit. Dumagdag sa ating vokabularyo ang mga salitang Kastila. Nang lumaon, ng ating makamit ang kalayaan mula sa mga Kastila, "Tagalog" ang siyang ating naging pambansang wika. Alinsunod sa Saligang Batas ng 1935, "Pilipino" ang naging ating pambansang wika. Ito ay ibinatay sa Tagalog na siyang ginagamit ng nakararami. Ayon naman sa itinatadhana ng Saligang Batas ng 1987, "Filipino" ang ating pambansang wika.
Sa kasalukuyan, wikang Filipino pa rin ang ating pambansang wika. Ito ay dumaan na sa napakaraming revisyon. Nariyan ang 2001 Revisyon ng Alfabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino, Gabay sa Editing sa Wikang Filipino (2004 at nirevisa 2008) ng Sentro ng Wikang Filipino-Diliman, Unibersidad ng Pilipinas gayundin ang revisyon ng mga patnubay pangmanunulat ng gaya ng Filipino ng mga Filipino (ikalawa at binagong edisyon, 2009) ng Anvil Publishing at ang pagsasagawa ng KWF ng bagong gabay noong 2009 na may ikaapat na edisyon nitong 2012. Ang pinakahuli ay ang 2013 forum na siyang nagsagawa ng paglingon sa kasaysayan ng wikang Filipino bago tinalakay ang mga isyung kontrobersiyal.
Ang proyektong ito ay naglalayong maipabatid ang kahalagan ng wikang Filipino sa pamamagitan ng mura, mabilis at epektibong paraan, ang social media at world wide web, magkaroon ng interaktibong diskusyon ukol sa pagbabagong naganap sa pag-iispeling at makatulong sa kinauukulan ukol sa istandardisasyon ng wikang Filipino.
Sa pagtatapos ng proyektong ito, inaasahang kami ay nakagawa ng isang hakbang upang ang mga Pilipino ay magkaroon ng tamang kaalaman tungkol sa pagbubuo ng ispeling ng salitang kanyang ginagamit sa kanyang pang-araw-araw na pamumuhay.