Hanapan ang Blog na Ito

Sabado, Oktubre 3, 2015

Kailan Hindi Pa Maaari ang Reispeling

Ngunit tinitimpi ang pasasa-Filipino ng ispeling ng mga bagong hiram na salita kapag:

1.    Nagiging kakatwa o katawa-tawa ang anyo sa Fiipino;
2.    Nagiging higit pang mahirap basahin ang bagong anyo kaysa orihinal;
3.    Nasisira ang kabuluhang pangkultura, panrelihiyon o pampolitika ang pinagmulan;
4.    Higit nang popular ang anyo ng orihinal; at
5.    Lumilikha ng kaguluhan ang bagong anyo dahil sa may kahawig na salita sa Filipino


Halimbawa, baka walang bumili sa “Kok” (coke) at mapagkamalan itong pinaikling tilaok ng manok. Matagal mag-iisip ang makabasa ng “karbon day-oksayd” bago niya ito maikonekta sa sangkap ng hangin. Iba ang baguette ng mga Pranses sa ating kolokyal na “bagets”. Nawalwala ang samyo ng bouquet sa nairespel na “bukey”. Nakasanayan nang basahin ang duty free kaya ipagtataka ang karatulang “dyuti-fri”. Bukod sa hingi agad makikilala ay nababawasan ang kabuluhang pangkultura ng feng shui kapag binaybay nag “fung soy” samantalang mapagkakamalang pang gamit sa larong pang dama ang pizza ang “pitsa”. Malinaw ding epekto ito ng lubhang pagkalantad sa paningin ng mga Pilip[ino ang mga kasangkapang biswal (iskrin, karatula, billbord) na nagtataglay ng mga salitang banyaga sa mga orihinal na anyong banyaga.
Pagbaybay na Pasulat

Sa pangkalahatan, “Kung ano ang bigkas, siyang sulat” sa pagbaybay na pasulat.

A.   Bagong Hiram na Salita


Ginagamit din ang walong dagdag na titik sa mga bagong hiram na salita mulang Espanyol, Ingles at ibang wikang banyaga. Tandaan: ang mga bagong hiram. Ang ibig sabihin, hindi kailangang ibalik sa orihinal na anyo ang mga hiram na salitang lumaganap na sa baybay ng mga ito alinsunod sa abakada. Halimbawa, hindi dapat ibalik ang F sa orihinal na forma sa Espanyol adhil ginagamit nang matagal ang porma pati ang mga deribatibo nitong pormal, impormal, pormalismo, pormalidad, depormidad atbp. Hindi din dapat ibalik sa firma ang pirma, ang bintana sa ventana, ang kalye sa calle, ang tseke sa cheque, ang pinya sa piña, ang hamon, sa jamon, at sapatos sa zapatos.


B.    Di Binabagong Hiram

Maituturing na bagong hiram ang mga salita na hindi pa idinadagdag matatagpuan sa Diccionario Tagalog-Hispano (1914) ni Pedro Serrano-Laktaw at Diksyunaryo Tesauro Pilipino-Ingles (1972) ni Jose Villa Panganiban. Halimbawa, maaring hiramin nang buo at walang pagbabago ang futbol, fertil, fosil, visa, vertebra, zigzag. Samantala, dahil sa walong dagdag na titik, maraming salita mulang Ingles ang maaaring hiramin nang hindi nangangailangan ng pagbabago sa ispeling, gaya ng fern, folder, jam, jar, level, envoy, develop, ziggurat, zip.

C.   Problema sa C, Ñ, q, x

Isang magandang simulating pangwika mula sa baybayin hanggang sa abakada ang pangyayaring iisang tunog ang kinakatawan ng bawat titik. Sa kaso ng C problema ang pangyayari na may dalawang paraan ito ng pagbigkas na maaaring K o S. Halimbawa, K ang tunog nito sa unang titik ng coche (kotse) ngunit S naman sa cuidad (siyudad). Sa kaso ng Ñ, napakalimitado kahit sa Espanyol ang mga salita na nagtataglay ng titik na ito. Ang ilang salitang pumasok na sa Filipino ay natapatan na ng NY, gaya ng donya, pinya at banyo.

Sa kaso naman ng Q at X, may palagay na hindi isahang tunog ang mga nabanggit na titik- nagiging kw o ky ang Q at ks ang X. Sa gayon, pangngalang pantangi (Quintos, Xerxes) at katawagang teknikal at pang-agham (Q clearance, X-ray). Kapag humiram ng pangngalang pambalana na nais ireispel, ang ginagamt noon pa sa paabakadang pagsulat ay ang katumbas na tunog ng Q at X. Ang Q ay nagiging K sa mulang Espanyol na keso(queso) at KW sa mulang Ingles na kwit(quit) o KY barbikyu(barbeque). Ang X naman ay tinatapatan ng KS gaya sa ekstra(extra)

D.   Eksperimento sa Ingles

Sa pangkalahatan, ng ipinahihintulot at ginaganyak ang higit pang eksperimento sa reispeling o pagsasa-Fiipino ng ispeling ng mga bagong hiram sa Ingles at ibang wikang banyaga. Dapat madagdagan ng higit ang istambay (stand by), iskul (school), iskedyul (schedule), pulis (police), rises (recess), bilding (building), groseri (grocery), anderpas (underpass), haywey (highway), korni (corny), pisbol (fishball) masinggan (machinegun), armalayt (armalite) bisnes (business) atbp. Ang ganitong reispeling ay malaking tulong sa mga mag-aaral dahil higit na madali nilang makikilala ang nakasulat na bersiyon ng salita.


Biyernes, Oktubre 2, 2015

Ang wika ay buhay, dinamiko at patuloy na nagbabago kaalinsabay ng panahon. Ang wikang Filipino ay nagsimula bilang "baybayin" at ng dumating ang mga Kastila, pinakilala nila ang alfabetong Romano, ang abecedario. Dumami ang salitang ating ginagamit. Dumagdag sa ating vokabularyo ang mga salitang Kastila. Nang lumaon, ng ating makamit ang kalayaan mula sa mga Kastila, "Tagalog" ang siyang ating naging pambansang wika. Alinsunod sa Saligang Batas ng 1935, "Pilipino" ang naging ating pambansang wika. Ito ay ibinatay sa Tagalog na siyang ginagamit ng nakararami. Ayon naman sa itinatadhana ng Saligang Batas ng 1987, "Filipino" ang ating pambansang wika.
Sa kasalukuyan, wikang Filipino pa rin ang ating pambansang wika. Ito ay dumaan na sa napakaraming revisyon. Nariyan ang 2001 Revisyon ng Alfabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino, Gabay sa Editing sa Wikang Filipino (2004 at nirevisa 2008) ng Sentro ng Wikang Filipino-Diliman, Unibersidad ng Pilipinas gayundin ang revisyon ng mga patnubay pangmanunulat ng gaya ng Filipino ng mga Filipino (ikalawa at binagong edisyon, 2009) ng Anvil Publishing at ang pagsasagawa ng KWF ng bagong gabay noong 2009 na may ikaapat na edisyon nitong 2012. Ang pinakahuli ay ang 2013 forum na siyang nagsagawa ng paglingon sa kasaysayan ng wikang Filipino bago tinalakay ang mga isyung kontrobersiyal.
Ang proyektong ito ay naglalayong maipabatid ang kahalagan ng wikang Filipino sa pamamagitan ng mura, mabilis at epektibong paraan, ang social media at world wide web, magkaroon ng interaktibong diskusyon ukol sa pagbabagong naganap sa pag-iispeling at makatulong sa kinauukulan ukol sa istandardisasyon ng wikang Filipino.
Sa pagtatapos ng proyektong ito, inaasahang kami ay nakagawa ng isang hakbang upang ang mga Pilipino ay magkaroon ng tamang kaalaman tungkol sa pagbubuo ng ispeling ng salitang kanyang ginagamit sa kanyang pang-araw-araw na pamumuhay.

Miyerkules, Setyembre 30, 2015

PAGPAPALIT NG "D" TUNGO SA "R"

May tiyak na pagkakataon na napapalitan ng R ang D sa pagsasalita. Halimbawa, nagiging rito ang dito at ang dami ay nagiging rami. Karaniwang nagaganap ang pagpapalit ng R sa D kapag napangunahan ang D ng isang pantig o salitang nagtatapos sa A. Halimbawa, ang D ng "dito" ay nagiging R sa "narito" o "naririto". Nananatili ang D kapag andito o nandito. Tingnan pa ang mga sumusunod:

doon-naroon (ngunit andoon o nandoon)
dami-marami (ngunit pagdami o dumami)
dalita-maralita (ngunit nagdalita o pagdaralita)

Ang naturang pagpapalit ng tunog ay isang malinaw na paraan ng pagpapadulas sa pagsasalita. Kaya karaniwang ginagamit ang D sa unahan ng salita. Sa loob ng salita, karaniwang sumusunod ito sa katinig (sandok, kordon, bundat) samantalang higit na malimit na makikita nag R sa loob ng salita lao na't sumusunod sa patinig (markado, kariton, bolero, bangkero, birtud).

Lunes, Setyembre 14, 2015

KAILAN “NG” AT KAILAN “NANG”

Isang malimit pagtalunan kahit ng mga eksperto sa Filipino ang wastong
gamit ng “ng” na maikli at “nang” na mahabà. May mga
nagmumungkahi tuloy na alisin na ang “ng” at “nang” na lámang ang
gamitin sa pagsulat. Isang panukalang paurong dahil ganoon na nga ang
ugali bago ang Balarila ni Lope K. Santos. Sa panahon ng mga
Espanyol, “nang” lámang ang ginagamit sa pagsulat ng mga misyonero.
Ang higit na dapat tandaan ay ang tiyak na mga gamit ng “nang”
at lima (5) lámang ang mga tuntunin:
Una, ginagamit ang “nang” na kasingkahulugan ng “noong.”
Halimbawa, “Umaga nang barilin si Rizal. Nang umagang iyon ay
lumubha ang sakit ni Pedro.”
Ikalawa, ginagamit ang “nang” kasingkahulugan ng “upang” o
“para.” Halimbawa, Sa isip ng mga Espanyol, kailangang bitayin si
Rizal nang matakot ang mga Filipino. Dinala si Pedro sa ospital nang
magamot.”
Ikatlo, ginagamit ang “nang” katumbas ng pinagsámang “na” at
“ng.” Halimbawa, “Pero sa isip ng mga Filipino, sobra nang lupit ang
mga Espanyol. Sobra nang hirap ang dinanas ni Pedro.”
Ikaapat, ginagamit ang “nang” para sa pagsasabi ng paraan o
sukat (pang-abay na pamaraan at pang-abay na panggaano). Halimbawa,
“Binaril nang nakatalikod si Rizal. Namayat nang todo si Pedro dahil sa
sakit.”
Ikalima, ginagamit ang “nang” bilang pang-angkop ng inuulit na
salita. Halimbawa, “Barilin man nang barilin si Rizal ay hindi siyá
mamamatay sa puso ng mga kababayan. Ginamot nang ginamot si Pedro
para gumaling.”
Ang iba pang pagkakataon, bukod sa nabanggit na lima, ay
kailangang gamitan ng “ng.” Halimbawa: “Ipinabaril ng mga Espanyol si
28
Rizal. Pinainom ng gamot si Pedro.” Ngunit tingnan ang pagkakaiba ng
dalawang pangungusap. (1) “Martiryo ang katulad ng sinapit ni Rizal.”

(2) “Gusto mo ba ang katulad nang magmartir si Rizal?”

30 Filipino Words With No English Equivalent

Sabado, Setyembre 12, 2015

Website, email, browser at charger, walang katumbas na salin sa wikang Filipino

Tamang Grammar sa Filipino, 'di pa rin batid ng maraming Filipino
Ang estado ng wikang Filipino | Investigative Documentaries GMA News and Public Affairs


Balangkas ng Wika


Ang wika ay isang masistemang balangkas dahil ito ay binubuo ng mga makabuluhang tunog (fonema) na kapag pinagsama-sama sa makabuluhang sikwens ay makalilikha ng mga salita (morfema) na bumabagay sa iba pang mga salita (semantiks) upang makabuo ng mga pangungusap. Ang pangungusap ay may istraktyur (sintaks) na nagiging basehan sa pagpapakahulugan sa paggamit ng wika.

1. Ponolohiya o fonoloji – pag-aaral ng fonema o ponema; ang fonema ay tawag sa makabuluhang yunit ng binibigkas na tunog sa isang wika. Halimbawa ay ang mga fonemang /l/, /u/, /m/, /i/, /p/, /a/ at /t/ na kung pagsama-samahin sa makabuluhang ayos ay mabubuo ang salitang [lumipat].
2. Morpolohiya o morfoloji – pag-aaral ng morfema; ang morfema ay tawag sa pinamakamaliit na makabuluhang yunit ng salita sa isang wika.
Sa Filipino ang tatlong uri ng morfema ay ang salitang-ugat, panlapi at fonema. 

Salitang-ugat = tao, laba, saya, bulaklak, singsing, doktor, dentista
Panlapi = mag-, -in-, -um-, -an/-han
Fonema = a
*tauhan, maglaba, doktora

3. Sintaksis – pag-aaral ng sintaks; sintaks ay ang tawag sa formasyon ng mga pangungusap sa isang wika. Sa Filipino, maaaring mauna ang paksa sa panaguri at posible namang pagbaligtaran ito. Samantalang sa Ingles laging nauuna ang paksa.
Hal. Mataas ang puno.
      
Ang puno ay mataas.
       The tree is tall. (hindi maaaring ‘Tall is the tree.’ o ‘Tall the tree.’)

4. Semantiks – pag-aaral ng relasyon ng salita sa bawat isa sa iisang pangungusap; ang mga salita sa pagbuo ng pangungusap ay bumabagay sa iba pang salita sa pangungusap upang maging malinaw ang nais ipahayag.

Hal. Inakyat niya ang puno.
       Umakyat siya sa puno.
Makikita na nang ginamit ang pandiwang [inakyat] ang panghalip ng aktor sa pangungusap ay [niya] at ang pantukoy sa paksa ay [ang]. Samantalang sa ikalawang pangungusap ang pandiwa ay napalitan ng [umakyat] kaya nakaapekto ito sa panghalip ng aktor na dati’y [niya] ngayo’y [siya] na.
Imbis na pantukoy na [ang] ay napalitan na ng pang-ukol na [sa]. Nagkaiba na ang kahulugan ng dalawang pangungusap.